Sa mga isyung ito, ang paliwanag ng Malakanyang ay sapat ang kanilang aksyon at hindi lamang Tacloban ang napinsala kundi maging Samar, at Western Visayas provinces. Tama naman sila rito, pero sa mata ng buong mundo, ang Tacloban po ang “ground zero” ni Yolanda at ang pagbangon nito ay binabantayan ng husto kahit pa sabihing mayroong “political sensitivities” dito.
Sa aking palagay, itinaon ng Panginoon na dapat ay magtulungan ang Aquino administration at Romualdez city administration sa nasalantang Tacloban. Isang punto sana ng pagkakaisa at pagkapit-bisig sa ngalan ng milyun-milyong nasalanta ng bagyo. Pero, iba ang nangyayari. Habang buhos ang tulong sa kalapit bayan ng Tacloban sa Samar Leyte at maging sa Western Visayas, parang hinayaan na lamang ang Tacloban na bumangong mag-isa.
Alam ko po ito dahil sa nakalipas na 35 years ay taun-taon akong pumupunta roon at nito ngang nakaraang dalawang taon ay napakaraming kwento ng mga kamag-anak kong survivors ang aking narinig.
Abot langit ang puri nila sa United Nations (Habitat-WFP-WHO) lalong lalo na sa Philippine National Red Cross na nagpatayo ng 60,000 houses mahigit ( ang Aquino administration ay 11,000 pa lamang) para sa mga biktima ng bagyo sa Tacloban at sa iba pang lugar. Sa mga NGO’s , itong Tzu Chi foundation (Buddhist) na namigay ng tig-P15,000 pesos at sampung yerong bubong sa bawat biktima sa Tacloban city (no questions asked) ang nangingibabaw.
Pati network war nakatulong din ,ang ABS-CBN foundation nagtayo ng 120 classrooms at namigayng 4,000 na bangka samantalang ang Kapuso foundation na nagtayo ng Village phase 1,2,3 sa Tacloban at karatig bayan.
Ang SM Foundation, maganda rin ang ginawa. Kinumpuni at ginawang level2 medical facility ang Tacloban city hospital at naging 100-bed capacity mula sa dating 50-bed capacity lamang. Nagtayo din sila ng 1,000 bahay sa mga nasalanta ng bagyo.
Ang ganitong mga pribadong aksyon ay lalong nagpapatingkad sa maliwanag na kawalang prayoridad ng pamahalaan sa Lungsod ng Tacloban. Idagdag mo pa riyang ipinatutupad na “no build zone” policy ng gobyerno na ang mga residenteng nawalan ng bahay ay di na makakabalik sa kanyang lugar. Nandyan din ang P7.9B “tidal embankment project ” na itatayo mula Tacloban hanggang Palo na pampigil daw sa mga storm surges. Mga bagay na nagpabagal sa responde ng gobyerno sa pangangailangan ng mga nasalanta.
Sa totoo lang, mismong mga taga-Tacloban ay nanghihinayang sa magandang pagkakataon sana ng Aquino Administration na magpakitang gilas at mapagkaisa at ma-inspire ang sambayanang Pilipino. Sa halip, nabahiran ng pulitika at personal na di-pagkakaunawaan ang mga pangyayari. At ang masakit , dobleng nasalanta ang mga biktima ng Yolanda.