Sa impormasyon mula sa Laguna Police, naalarma sila sa mga nakalap na impormasyon na may mga armas ang mga drug pushers sa probinsya.
Ayon kay Laguna Police Public Information Office Chief Insp. Jojo Sabeniano, ang natanggap na impormasyon ay dahilan ng paglulunsad nila ng intelligence driven operations.
Sa nagdaang dalawang araw ay nagkaroon ng mga engkwentro na nagresulta sa pagkakasawi ng 12 katao kung saan 11 dito ay hinihinalang tulak ng droga.
Sugatan ang isang pulis matapos matamaan ng bala sa binti sa bayan ng Nagcarlan.
Nakumpiska ng pulisya ang aabot sa 40 gramo ng ipinagbabawal na gamot na tinatayang may halagang P100,000.
Nagsagawa rin ng operasyon ang Laguna police sa umano’y ulat na bentahan ng iligal na armas at nauwi rin ito sa engkwentro.
Inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang mga supplier ng mga naaresto at nasawing mga suspek.