Palasyo, suportado ang panukalang drug test sa grade school students

Sinegundahan ng Palasyo ng Malacañang ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsagawa ng mandatory drug testing sa mga grade 4 students pataas.

Ang pahayag na ito ng palasyo ay matapos lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na kalahati ng mga Filipino o 51 percent ang suportado ang panukala.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, maganda ang planong ito ng PDEA dahil ang makikinabang dito ay ang mga pamilyang Filipino.

Sa pamamagitan anya nito ay malalaman ng mga magulang kung ang kanilang mga anak ay lulong sa droga o hindi kaya ay nagagamit sa kalakaran nito.

Bilang isang ama ani Panelo, ay personal niya ring sinusuportahan ang panukala dahil hindi naman tiyak ng mga magulang kung sino ang makakaimpluwensya sa kanilang mga anak.

Sinabi naman ni Panelo na hindi makalalabag sa anumang batas ang mandatory drug test sa grade school pupils.

Read more...