Bagyong Yolanda magsilbing leksyon para sa climate change awareness ayon sa Malacañan

Umaasa ang Palasyo ng Malacañan na magsisilbing leksyon ang bagyong Yolanda na tumama sa Leyte para lalo pang palakasin ang awareness sa climate change.

Sa mensahe ng Malacañan sa ikalimang anibersaryo ng bagyong Yolanda, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dapat magkaisa ang taumbayan para maging disaster resilient ang Pilipinas.

Kasabay nito, may binabalangkas na ngayon ang Department of Finance (DOF) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng one-stop shop facility para sa foreign relief consignment gaya nang isinusulong ni Senador Sonny Angara.

Sa panukala ni Angara, pinatitiyak na dapat hindi na bubuwisan ang mga ayuda galing sa abroad at hindi dapat na maantala sa pamimigay sa mga residenteng maapektuhan ng anumang kalamidad.

Sinabi pa ni Panelo na puspusan na rin ang mga ginagawang hakbang ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para tuluyang makarekober ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Read more...