Pagbabalik sa batas laban sa premature campaigning, iginiit ni VP Robredo

Umapela si Vice President Leni Robredo sa Kongreso na magpatibay ng isang batas na magbabalik sa pagbabawal sa premature campaigning o maagang pangangampanya ng mga kandidato sa halalan.

Sinabi ni Robredo na kanyang kinakatigan ang panawagan ng Commission on Elections (COMELEC) na ibalik ang batas laban sa premature campaigning.

Aniya, dahil sa pagdedeklara ng Korte Suprema na wala nang pagbabawal sa premature campaigning, napakaraming politiko ang maagang nanunuyo ng mga botante.

Halos isang taon bago ang eleksyon ay talamak na ang mga billboard, tarpaulins, at TV and radio ads ng mga nababalak na kumandidato sa halalan.

Dahil din dito, ani Robredo, nagiging mas magastos ang eleksyon at lalong hindi patas ang laban sa pagitan ng mga kandidatong maraming pera ay mga politikong kapos sa pondo.

Giit ng bise presidente, marapat na ibalik ang pagbabawal sa premature campaigning upang maging patas ang sistema ng eleksyon.

Umaasa naman si Robredo na makikinig ang mga mambabatas sa naturang apela bilang bahagi na rin ng reporma sa politika sa bansa.

Read more...