Pagpatay sa founding member ng NUPL, kinondena ng Malacañan

NUPL Lawyer Ben Ramos | FB Photo

Mariing kinondena ng Palasyo ng Malacañan ang pagpatay kay Atty. Ben Ramos, ang abogado at founding member ng National Union of Peoples’ Lawyer (NUPL).

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, may ginagawa nang imbestigasyon ang mga otoridad at makatitiyak ang pamilya ni Ramos na mapapanagot sa batas ang mga responsable sa pagpatay.

Kasabay nito, pumalag ang Palasyo sa akusasyon nina Congressmen Carlos Zarate, Antonio Tinio, at France Castro na gobyerno ang nasa likod sa pagpatay sa abogado.

Ayon kay Panelo, iresponsable at walang basehan ang akusasyon ng mga kongresista.

Sinabi pa ni Panelo na ang pahayag ng mga kongresista ay hindi makatutulong para makamit ang hustisya bagkus ay dinadagdagan lamang ang hinagpis ng pamilya ni Ramos.

Tiniyak pa ni Panelo na hindi hahayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na makatakas na lamang at hindi mapapanagot sa batas ang mga taong responsable sa pagpatay sa abogado.

Nakikiramay aniya ang pangulo sa pamilyang naiwan ni Ramos.

Si Ramos ay pinatay sa Kabankalan, Negros Occidental.

Si Ramos ang abogado ng siyam na magsasaka na pinatay sa Hacienda Nene sa Sagay City noong nakaraang buwan.

Read more...