Natagpuan ng mga otoridad ang mahigit 200 mga mass grave sa Iraq na iniwan ng grupong Islamic State (ISIS).
Ayon sa joint report ng United Nations mission to Iraq at UN office for human rights, laman ng 202 mga mass grave ang nasa pagitan ng 6,000 hanggang 12,000 mga bangkay na naipon sa tatlong taong pamamayagpag ng ISIS sa Iraq.
Partikular na natagpuan sa Salahuddin province ang mga labi ng mga biktima ng Camp Speicher massacre noong 2014, kung saan 1,700 mga miyembro ng militar ang pinaslang ng ISIS.
Ayon sa mga UN investigators, posibleng libu-libu pang mga katawan ng kanilang mga biktima ang itinapon ng ISIS sa Khasfa sinkhole.
Sa ngayon, nasa 1,258 na mga labi pa lamang ang narerekober ng mga otoridad mula sa 28 mga mass grave.
Hinimok ng UN ang mga otoridad na alamin ang pagkakakilanlan ng mga biktima at bigyan ng hustisya ang mga naiwang pamilya ng mga ito, kasabay ng pagbabalik ng mga labi ng kanilang mga kaanak.