SC hindi naglabas ng TRO para sa telco bidding bukas

Tuloy na tuloy na ang bidding para sa ikatlong telecommunication company sa Pilipinas matapos hindi magpalabas ang Supreme Court ng temporary restraining order (TRO) na magpapatigil sa bidding process na gagawin ng National Telecommunications Commission (NTC).

Sa pagbabalik-sesyon ng Supreme Court en banc ngayong Martes matapos ang kanilang recess ay hindi inaksiyunan ng mga mahistrado ang petisyon na humihiling na ideklarang iligal at labag sa batas ang award na ipinagkaloob ng NTC sa PLDT Inc./Smart Communications Inc. at Globe Telecoms may kaugnayan sa 700 megahertz (MHz) broadcast frequency, kasama na ang iba pang telecom frequencies.

Sa halip, nagpasya ang Korte Suprema na muling dinggin ang kaso na magbibigay-daan sa gobyerno na ipagpatuloy ang bidding sa Miyerkules, Nobyembre 7, 2018.

Ang ponente o naatasang sumulat sa kaso ay si SC Justice Alexander Gesmundo na ngayon ay nasa official leave.

Ang petition for mandamus ay inihain sa SC ni Atty. Joseph Lemuel Baligod Baquiran at Atty. Ferdinand Tecson na humihiling na ideklarang null and void ang naturang kontrata.

Matatandaan na ang acquisition ay ginawa ng PLDT at Globe noong 2017  para sa  issuing and outstanding shares and assets ng Vega Telecom Inc., subsidiary ng San Miguel Corporation (SMC).

Kapwa bumili ang PLDT at Globe  para sa patas na sapi na  50-50 basis para sa lahat na inisyu at outstanding shares of stock ng  VTI na nagkakahalaga ng P70 Billion.

Isa pang petisyon ang isinampa naman sa Manila RTC para ipatigil ang bidding process subalit kaagad ring ibinasura.

Una nang dumanas ng setback ang Now Telecom  matapos kuwestiyunin ang terms of reference na itinakda ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Isa pang petisyon ang isinampa ng PT&T sa  Makati RTC sa pagnanais na ipatigil din ang bidding para sa  3rd Telco.

Ang kaso ay nakatakdang i-raffle ngayong hapon.

Read more...