P10 bilyong pondo, inilaan para sa Apec

 

Mula sa inquirer.net

Bukod sa halos 47 na mga pagtitipon na isinagawa, may P10-bilyon din ang inilaan bilang paghahanda sa pagdaraos ng Asia-Pacific Economic Cooperation (Apec) summit dito sa Pilipinas.

Para sa director general ng Apec 2015 National Organizing Council (NOC) na si Ambassador Marciano Paynor Jr., isa itong malaking puhunan o investment para sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Budget and Management, inilaan talaga ang P9.8 bilyong budget para sa pagiging punong abala ng bansa sa gaganaping pagtitipon ng iba’t ibang lider ng mga bansa, tulad na lamang ng United States, Russia, Japan at China para talakayin ang mga napapanahong usaping pang-ekonomiya sa Asia Pacific region.

Nanggaling ang pondo sa international commitments fund ng Department of Foreign Affairs (DFA) mula 2014 hanggang 2015, at hindi mula sa mga nakalaan para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Ani Paynor, masyadong malaki man ang perang inilaan para dito, maliit pa rin ito kung ikukumpara sa mga ginagastos ng ibang bansa na naging punong-abala sa mga nagdaang summits.

Tulad na lamang aniya ng China na gumastos ng $95-milyon para lamang sa landscaping ng pinagdausan ng Apec summit sa Yanqi Lake.

Bumuo kasi ng special conference center, waterfront boutique hotel at VIP villas ang China para lamang sa Apec summit.

Ngunit, ipinaliwanag ni Paynor na nanindigan si Pangulong Aquino na hindi kinakailangang gawain ang ginawa ng China dahil naniniwala siyang kayang idaos ang Apec sa mga pasilidad na mayroon na ang bansa.

Parehong tungkulin at pribilehiyo ani Paynor ang pagiging host ng Apec summit sa ikalawang pagkakataon simula 1996.

80.7% kasi ng kalakalan sa Pilipinas ay konektado sa Apec economies, dahil ang top 5 major trading partners ng bansa ay ang Japan, China, United States, Singapore at South Korea.

Kung sa turismo naman titingnan, 80.81% sa mga turista na dumarayo sa Pilipinas ay mula sa mga Apec countries.

Halos kalahati rin ng development assistance na natatanggap ng Pilipinas ay mula sa mga Apec countries.

Kaya naman giit ni Paynor, ito ang mga dahilan kung bakit kailangang bigyang importansya ang pagiging punong abala sa Apec, dahil kabilang sa mga ginagawa ng organisasyong ito ay ang pagpapaunlad ng business sa bansa.

Isa sa mga pinaka-kilalang nagawa noong Apec 1996 sa Pilipinas ay ang Apec Business Advisory Council o Apec.

Bawat bansang kabilang sa Apec ay bumuo ng Abac na may hanggang tatlong business people, tulad na lamang nina A. Magsaysay Inc. president Doris Magsaysay-Ho, Ayala Corp. chair at CEO Jaime Augusto Zobel de Ayala, CEO of Jollibee Foods Corp. Tony Tan Caktiong para sa Pilipinas.

Read more...