Sa ikalawang anibersaryo ng pananalasa ng super bagyong Yolanda, sumali ang halos 9,200 na mga survivors sa iba’t-ibang mga kilos protesta para isigaw ang kani-kanilang mga panawagan.
Hindi bababa sa 5,000 sa kanila ay dumalo sa rally sa Roxas City, Capiz, 3,200 sa Iloilo at 1,000 naman sa Aklan.
Sa Roxas City nagtipon-tipon ang mga mamamayan ng Capiz na nakaligtas sa bagyong Yolanda upang mag-martsa sa mga kalsada ng lungsod.
Una munang nagkaroon ng misa Linggo ng umaga sa City Bandstand ng Roxas City, at pagdating naman ng hapon, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang isang rally na dinaluhan ng mga survivors.
Bukod sa kurapsyon at mabagal na pamimigay ng ayuda mula sa gobyerno, binatikos din nila ang Memorandum No. 24 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Mayroon kasing itinala ang DSWD na mga panuntunan na nagsasala sa mga benepisyaryong maaaring makatanggap ng Emergency Shelter Assistance.
Ayon kasi sa nasabing memorandum, hindi kwalipikadong makatanggap ng cash assistance ang mga survivors na mayroong buwanang kita na hihigit sa P15,000, at kung sila ay naninirahan sa mga lugar na itinalaga bilang danger zones kabilang na iyong mga nasasakop ng 40 meters shoreline.
Hindi na rin makakatanggap ng P30,000 cash grant ang mga survivors na nawalan ng tirahan at P10,000 sa mga nasiraan lamang ng bahay kung sila ay nakatanggap na ng full shelter subsidy mula sa non government organizations.
Isa ang Capiz sa mga probinsyang labis na nasalanta ng super bagyong Yolanda.
Sa Iloilo naman, may 2,500 na survivors ang nagtipon tipon sa bayan ng Estancia, habang 700 naman sa Iloilo City sa dalawang magkahiwalay na rally na pinamunuan ng Bayan at Task Force Buliganay.
Bagaman hindi binigyan ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City ng permit ang mga nagprotesta, itinuloy pa rin nila ito upang ihayag ang kasalukuyang sitwasyon sa mga lugar na labis na naapektuhan ng sakuna.
Samantala, may 1,000 survivors naman ng Yolanda ang nagmartsa sa mga kalsada ng Kalibo, Aklan bago magprotesta sa Crossing Banga-News Washington na pinamunuan rin ng Bayan.
Nanawagan sila ng hustisya para sa mga biktima ng Yolanda sa pamamagitan na rin ng paglalabas ng dalawang maliit na fiberglass na bangka sa Lagatik River sa bayan ng New Washington.