Nasa 50,000 kandila ang nagliwanag sa mga lansangan sa Tacloban City at ilan pang mga bayan na naapektuhan ng supertyphoon Yolanda bilang bahagi ng pag-alala sa mga biktima ng naturang kalamidad.
Dalawang taon na ang nakalilipas nang tamaan ng naturang bagyo ang kabisayaan na nagdulot ng matinding storm surge at kumitil sa buhay ng mahigit-kumulang 7,000 katao.
Sinimulang sindihan ang mga kandila makalipas ang misa sa Santo Niño Church sa Tacloban City dakong alas 6:00 ng gabi.
Matapos ang misa, luminya ang mga residente ng Tacloban sa mga lansangan at nagsindi ng kani-kanilang mga kandila.
Libu-libo ring mga kandila ang sinindihan din sa 24 na kilometrong haba ng lansangan mula Tacloban hanggang sa mga bayan ng Palo, Tanauan at Tolosa na naapektuhan din ng pagragasa ng supertyphoon at storm surge.
Ilan sa mga nakilahok sa okasyon ang nagsindi ng kandila bilang paggunita sa mga yumao nilang mahal sa buhay.
Ang iba naman, nagsindi ng kandila bilang pagpapasalamat na sila’y nakaligtas sa matinding delubyo.
Nag-alay din ng tahimik na dasal ang mga residente.
Nagsindi rin ng mga kandila ang mga resdiente sa mga mass grave kung saan inilibing ang mga biktimang hindi na nakilala pa.