Sa kanyang pasya, binigyang-diin ni Muntinlupa RTC Branch 206 Acting Presiding Judge Lorna Navarro Domingo na bagamat walang sapat na batayan para siya ay mag-inhibit, pinili niyang bitiwan na ang kaso para magpakita ng good faith sa lahat ng partido.
Idinepensa ni Domingo ang sarili mula sa paratang ni De Lima na nilabag niya ang karapatan ng senador sa bukas at pampublikong paglilitis.
Aniya, tanging ang mga miyembro ng media ang kanyang pinagbawalan sa loob ng court room dahil makakaabala sila sa mga partido at sa mga abugado.
Ipinunto pa ng hukom na ipinaiiral niya ang sub-judice rule.
Katunayan, may mga dayuhan umano sa loob ng korte para sumaksi sa paglilitis.
Pinanindigan din ng hukom ang hindi niya pagpayag na matanong sa cross examination sa isang testigo ng prosekusyon ang mga isyu na hindi naman natalakay sa kanyang direct examination.
Giit pa ni Judge Domingo, pinapayagan sa ilalim ng Section 14, Rule 110 ng Revised Rules of Court ang prosekusyon na mag-amyenda sa inihain nitong kaso dahil hindi pa naman nababasahan noon ng sakdal si De Lima.
Mula kasi sa orihinal na illegal drug trading, inamyendahan ang kaso laban kay De Lima at ginawang conspiracy to commit illegal drug trading.