Sa panukalang iniakda ni Cebu City Rep. Raul Del Mar, nais nitong palitan ang pangalan ng paliparan sa Cebu at gawing Lapu-Lapu-Cebu International Airport bilang pagpupugay sa bayaning nakipaglaban sa mananakop na Kastila sa pangunguna ni Ferdinand Magellan.
Sinabi nito, bukod sa natatanging pagkilala kay Lapu-Lapu ay layon rin ng panukala na iayon ang paliparan sa lungsod kung saan ito matatagpuan.
Hindi naman aalisin ang pangalang Cebu para sa marketing at branding strategy at para madali itong mahanap ng mga turistang gustong magpunta.
Nakasaad naman sa dalawang panukalang batas na nagsusulong ng pagpapalit ng pangalan ng airport sa Pampanga na nararapat lang na ipangalan ito sa ikasiyam na pangulo ng bansa na si dating Pangulong Diosdado Macapagal na nagpakita ng mga katangian ng isang leader, taga-pagtanggol ng mga mahihirap at pagiging makabayan.
Noong panahon ng nakaraang administrasyon ay mariing tinutulan ang pagpapalit ng pangalan ng paliparan sa dating pangulo na ama ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.