Ayon sa pamunuan ng MRT-3, kasalukuyan na silang nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa insidente.
Pagtitiyak pa ng pamunuan, hindi palalampasin ng kanilang hanay ang pangungutya sa mga pasaherong mayroong kapansanan.
Nag-ugat ang pahayag sa isang Facebook post ni Shirley Iyulores kung saan sinabi nito na napahiya ang kanyang anak na mayroong autism matapos sabihan ng mga guard na peke ang hawak nitong PWD ID. Bukod pa dito ay hindi pinayagang makapasok sa train station ang kanyang anak.
Aniya pa, mayroong hawak na PWD beep card ang kanyang anak ngunit hindi pa rin ito pinayagang makapasok sa istasyon.
Paliwanag ng pamunuan ng MRT-3, bahagi ng kanilang protocol ang tiyakin na hindi peke ang ipiniprisentang PWD ID ng mga pasahero.
Gayumpaman, ay tiniyak ng pamunuan na papaalalahanan nila ang kanilang mga security guard na dapat irespeto at hindi ipahiya ang mga pasahero.