Umaasa ang Palasyo ng Malacañan na hindi maging daan para atakihin ng oposisyon si Pangulong Rodrigo Duterte ang nakaambang imbestigasyon ng Senado sa dalawang proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng ‘Build, Build, Build.’
Sa isang pahayag, hiniling ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang imbestigasyon ay maging in aid of legislation at hindi para sa political grandstanding.
Tugon ito ng Malacañan sa pagnanais ni Senadora Leila de Lima na imbestigahan ang North at South Luzon Expressway connector road project at North-South Commuter Railway Project.
Giit ni Panelo, pinag-aralang maigi ng mga concerned agencies ang mga proyekto at mga maapektuhan sa pagtatayo nito kaya hindi ipagsasapalaran ang kapakanan ng mga residente.
Gayumpaman, sinabi ng kalihim na magandang lugar ang isasagawang Senate inquiry upang mabigyan ng oportunidad ang gobyerno na ipaalam sa publiko na maayos ang pagpaplano sa mga proyekto.