Sisimulan ngayong araw ng Estados Unidos at South Korea ang nabalam na military drills sa pagitan ng dalawang mga bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng Ministry of Defense ng South Korea, magsisimula ang unang round ng training malapit sa Pohang City, ngunit hindi ito bukas sa media.
Inaasahang nasa 500 mga miyembro ng US at South Korean marines ang dadalo sa pagsasanay.
Ngunit ayon sa SoKor, ang naturang training ay small-scale lamang. Sa Disyembre pa kasi pagdedesisyunan ng dalawang mga bansa kung kailan ang tiyak na gaganapin ang major military exercise na Vigilant Ace sa 2019.
Matatandaang ipinagpaliban ang mga military drills sa pagitan ng US at South Korea upang mahimok ang North Korea na ipagpatuloy ang dialogue tungkol sa pagpapatigil ng kanilang nuclear activities.
Noong Biyernes lamang ay nagbabala ang Pyongyang na muli nilang bubuhayin ang kanilang nuclear program kung hindi titigil ang Estados Unidos sa kampanya nito sa magpapataw ng sanctions.