Sa ikalawang pagkakataon, hindi nagpunta si Pangulong Benigno Aquino III sa paggunita ng ikalawang anibersaryo ng pananalasa ng super bagyong Yolanda sa Leyte.
Sa halip na personal na magtungo sa Tacloban City, nagpalabas lamang ng official statement ang Pangulo.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni PNoy na kaisa siya ng mga biktima ng bagyo sa panalangin para sa mahigit anim na libong katao na nasawi.
Matatandaang noong unang anibersaryo ng bagyong Yolanda, mas pinili ng Pangulo na magtungo sa Guiuan Eastern Samar kaysa magtungo sa Tacloban city na itinuturing na ‘ground zero’ ng bagyong Yolanda.
Kilala ang Tacloban na balwarte ng pamilya ni First Lady Imelda Marcos.
Matapos ang pagtama ng Yolanda, binatikos noon ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez si Pangulong Aquino at ang kanyang administrasyon dahil sa mabagal na pagresponde sa kalamidad.
Ngunit ngayon, humingi na ng paumanhin si Mayor Romualdez sa mga maanghang na pananalitang kanyang binitiwan laban kay Pangulong Aquino matapos ang Yolanda.