Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanilang sisiyasatin ang pagkamatay ng isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia na biktima umano ng pangmamaltrato.
Kinilala ang namatay na Pinay worker na si Emerita Gannaban, 44 taong gulang at tubong Kalinga.
Ayon kay DFA spokesperson Elmer Cato, sa inisyal na imbestigasyon, nadala pa sa Prince Mohammed bin Abdulaziz Hospital sa Riyadh si Gannaban, ngunit nasawi rin ito dahil sa poisoning.
Ani Cato, hinihintay nila sa ngayon ang resulta ng autopsy ng biktima at kasabay nito ay iimbestigahan din ng mga otoridad ang alegasyong biktima si Gannaban ng pangmamaltrato ng kanyang amo.
Nabatid na noong Hunyo lamang nagsimulang magtrabaho sa Saudi si Gannaban.
Tiniyak ni Cato na matapos ang autopsy sa bangkay ni Gannaban ay isasaayos na ang repatriation nito pabalik sa kanyang mga kaanak.
Kasabay nito, nagpahayag ng simpatya ang tagapagsalita ng ahensya sa kalunos-lunos na sinapit ng Pinay worker.