Marami sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Rosita ang nakabalik na sa kani-kanilang mga bahay.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, 15 evacuation centers na lamang ang bukas hanggang ngayon at nagbibigay ng pansamantalang matitirhan sa mga apektadong residente.
Nasa 135 pamilya na lang o kabuuang 466 na indibidwal ang namamalagi sa mga evacuation centers.
Sa 15 na evacuation centers, siyam ang sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Samantala, sinabi naman ni DSWD Secretary Rolando Bautista na kahit nakauwi na ang mga pamilya, ipagpapatuloy ang pamimigay ng relief items upang matulungan ang mga ito sa kanilang pangangailangan lalo na sa pagkain sa araw-araw.
Inaasahan kasing bubuoin pa ng mga residente ang kanilang mga nasirang bahay at komunidad.
Ayon sa DSWD, umabot na ang halaga ng kanilang tulong sa mga apektadong pamilya sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera Administrative Region sa P5,273,046.