Malacañang, kumambyo sa pagkutya ni Duterte sa mga Santo ng Simbahang Katolika

Nagbibiro lamang muli si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang iginiit ng Palasyo ng Malacañang sa panibagong maanghang na pahayag ng presidente laban sa Simbahang Katolika partikular sa mga Santo.

Sa isang press briefing sa Isabela para sa Bagyong Rosita, kinutya ng pangulo ang mga Santo at tinawag ang mga itong tarantado at lasenggo.

“Happy All Saints’…Bakit naman…tarantado talaga itong mga Katoliko ang p*ta, bakit ba may All Souls’ Day at All Saints’ Day?” ani Duterte.

Depensa ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nais lamang pagaanin ng pangulo ang dapat sana ay seryosong briefing tungkol sa bagyo.

Giit ni Panelo, maging ang media na nagcover sa naturang briefing at audience ay hindi naman na-offend sa kontrobersyal na pahayag ni Duterte.

Tawang-tawa pa nga anya ang mga tao na makikita sa video clips ng mga media networks.

Hindi dapat ito isiping isang offensive religious statement ayon kay Panelo at anya, ang biro ay isang biro at hindi dapat kailangan pa ng paliwanag.

Dagdag pa ng kalihim, hindi na dapat maapektuhan ang pundasyon at kredibilidad ng pananampalatayang Katoliko na sumibol 2,000 taon na ang nakalilipas at napagtagumpayan ang mga giyera at mga tangkang pagpapabagsak.

Sa pahayag ng pangulo noong briefing, hinimok niya rin ang mga tao na maglagay na lamang ng kanyang larawan sa altar bilang si Santo Rodrigo.

Read more...