Arestado ang kapitan ng barangay sa bayan ng Rodriguez sa lalawigan ng Rizal at ang kaniyang misis dahil sa kasong estafa.
Batay sa reklamo, milyun-milyon ang natangay ng mag-asawa mula sa mga nahikayat nilang mag-invest sa kanilang trucking business.
Sa bisa ng warrant of arrest, inaresto ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group si Erik Jacinto na kapitan ng Barangay Rosario at asawang si Analyn.
Isa sa mga nagsampa ng reklamo laban sa mag-asawa ang isang dating OFW na nag-invest ng P5.3 million mula 2015 hanggang 2018.
Pero hindi naibalik ang pangakong kita ng mag-asawa sa kaniyang ininvest na pera.
Isa ring negosyante ang nag-invest naman ng P1.8 million.
Ayon kay SPO2 Romeo Panaligan ng PNP-CIDG, lehitimo naman ang kumpanya ng mag-asawa pero nang kanilang suriin ay hindi sila kunektado sa mga proyektong kanilang ibinibida sa mga nag-iinvest.
Katwiran naman ni Analyn Jacinto, personal nilang kilala ang mga nag-invest at nagkaroon lamang ng problema ang kanilang kumpanya kaya hindi nila naibigay ang interest ng mga ininvest nilang pera.