Sundalo na nakipagsalo ng pagkain sa mga batang lansangan sa Basilan, viral sa social media

sundalo
Larawan mula sa Facebook/Inquirer.net

Viral ngayon sa social media ang isang batang sundalo na nakikipagsalo ng pagkain sa tatlong batang lansangan sa Isabela City, Basilan.

Base sa post sa Facebook ng Radio reporter na si Karlo Marlon Ignacio, nagtungo siya sa rooftop ng kanilang gusali nang makita sa baba ang sundalo na kumakain kasama ang mga batang lansangan.

Nakilala ang sundalo na si Corporal Ryan Santos, 26 anyos at nakatalaga sa 8th Field Artillery Battalion sa Barangay Busay, Isabela City.

Ayon kay Colonel Rolando Bautista, commander ng Joint Task Group ng Basilan, itinalaga niya si Santos sa isang sikat na food chain dahil sa nakatatanggap ito ng death threat.

Paliwanag naman ni Santos, ibinigay sa kanya ang pagkain ng manager ng food chain.

Hindi aniya nanghingi ang mga bata subalit nakatingin ito sa kanyang pagkain.

Ayon kay Santos, hindi niya maatim na kumakain siya habang ang mga bata ay nagugutom.

Dito, inaya niya ang tatlong paslit na maghati-hati sila sa pagkain.

Hindi inakala ni Santos na magiging viral ang naturang tagpo sa social media.

Ipinanganak si Santos sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija mula sa isang mahirap na pamilya.

Read more...