Kampo ni Sr. Fox: ‘Tuloy ang laban’

Matapos ang anim na buwang pakikipaglaban para makapanatili sa bansa, ay tuluyan nang lilisanin ni Sr. Patricia Fox ang Pilipinas.

Ibinasura ng Bureau of Immigration ang hirit ni Sr. Fox na mapalawig ang kanyang tourist visa.

Gayunman, ayon kay Atty. Katherine Panguban ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), hindi pa tapos ang laban ng 71-anyos Australian missionary.

Anya, haharapin pa nila ang kasong deportation laban sa madre na sa ngayon ay nakabinbin pa sa Department of Justice.

Iginiit ni Panguban na aalis ng bansa si Sr. Fox ng may malinis na konsensya at wala itong ginawang anumang mali at iligal sa 27 taong paninirahan sa bansa.

Sinabi naman ni Sr. Fox na aalis siya ng Maynila sa Sabado ngunit plano niyang bumalik ng Pilipinas sa susunod na taon depende sa kahihinatnan ng kanyang deportation case.

Maaari pang bumalik si Sr. Fox sa bansa pag naipanalo nito ang kaso dahil tatanggalin ang kanyang pangalan sa immigration blacklist.

Read more...