2 holdupper at magnanakaw ng motor patay sa Bulacan

Dead on the spot ang dalawang sinasabing holdupper at magnanakaw ng motorsiklo matapos makaengkwentro ang mga pulis sa Barangay Longos sa Pulilan, Bulacan.

Sa ngayon ay walang pagkakakilanlan ang dalawang lalaki, habang nakatakas naman ang kanilang isang kasabwat.

Ayon kay Police Senior Superintendent Chito Bersalina, hepe ng Bulacan Provincial Police, nakatanggap sila ng ulat tungkol sa isang insidente ng panghoholdup sa lugar, kung saan matapos pagnakawan ang biktima ay ninakaw din ng mga suspek ang kanyang motorsiklo.

Agad na nagkasa ng followup operation ang mga elemento ng Pulilan Municipal Police at Intelligence Division ng Bulacan Police, at kasunod nito ay nagtayo sila ng checkpoint.

Ngunit imbes na tumigil ang mga suspek sa checkpoint ay nagpaputok ang mga ito, dahilan upang gumanti ang mga pulis at nauwi sa engkwentro ang operasyon.

Tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dahilan ng agarang pagkasawi ng mga salarin, habang ginamit ng kanilang kasamahan ang pagkakataon upang tumakas.

Patuloy na tinutugis ng mga otoridad ang nakatakas na suspek.

Read more...