Bukas si Defense Sec. Voltaire Gazmin para sa pagsasagawa ng isang military-naval drill sa West Philippine Sea kasama ang China.
Pero nilinaw ng kalihim na hindi magiging bilateral ang nasabing sea drill sa pagitan lamang ng Pilipinas at China kundi dapat ay gawing multilateral drill sa iba pang mga bansa sa Southeast Asian region.
Sa kanyang pagsasalita sa 75th founding anniversary ng Department of National Defense sa Camp Aguinaldo, ipinaliwanag ni Gazmin na dapat ay gawing bukas ang nasabing naval drill para hindi na ito maging isyu pa sa rehiyon.
Nauna nang iminungkahi ni Chinese Defense Minister Chang Wanquan ang isang military-naval drill sa South China Sea para sa katatagan ng rehiyon.
Nakapaloob din sa mungkahi na gawin itong regular upang mas maging maayos ang ugnayan ng mga claimant countries sa rescue at disaster relief sa tuwing may kalamidad sa may bahagi ng South China Sea.
Sa katatapos na Defense Ministers’ meeting sa Kuala Lumpur Malaysia ay muling inulit ni Chang na hindi gamit ng militar kundi para sa mga sibilyan ang mga artificial islands na itinayo sa South China Sea.