Planong kwestyunin ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV ang utos ng korte sa Makati City pabor sa proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapawalang-bisa sa amnestiya ng senador.
Inihayag ito ng abogado ni Trillanes na si Atty. Rey Robles sa pagdinig sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 kaugnay ng mosyon ng Department of Justice (DOJ) na partial reconsideration sa hindi pagpapa-aresto sa mambabatas.
Ayon kay Robles, maingat lamang ang korte na huwag galawin ang Proclamation 572 ni Duterte.
Pero ang apela aniya ng DOJ ay patunay ng umano’y intensyon na gamitin ang proklamasyon para ipawalang-bisa ang matagal ng final at executory court decision gayundin ang nullification sa amnestiya ni Trillanes at sa unang Proclamation No. 75 ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2010.
Matatandaa na noong October 22 ay ibinasura ng korte ang hiling ng DOJ na ipaaresto si Trillanes pero kinilala ang ligalidad ng proklamasyon ni Duterte.