Ilang senador nagluluksa sa pagpanaw ni Rico J. Puno

Sinabi ni Senate President Tito Sotto na labis-labis na lungkot ang kanyang nararamdaman dahil sa pagpanaw ng singer na si Rico J. Puno.

Ibinahagi ni Sotto na noong dekada 70, bihirang-bihira sa mga elitista ang mga may plaka ng Pilipinong mang-aawit sa kanilang bahay.

Nagbago ang eksena nang makilala si Puno sa industriya ng musika sa bansa.

Aniya, sumikat si Puno hindi lang sa kanyang mahusay na pag awit kundi sa kanyang mga biro.

Sinariwa naman ni Senador Grace Poe ang labis na pagkakilig ng dalhin sa kanilang bahay ng kanyang amang si FPJ si Rico J. para haranahin lang ang kanyang inang si Susan Roces.

Sinabi nito na ilang dekada na ang lumipas ngunit nananatiling patok sa mga bagong henerasyon ang mga kilalang kanta ni Puno gaya ng “Alaala,” “May Bukas Pa,” “Lupa,” “Together Forever,” at “Macho Gwapito.”

Ayon sa senadora kakaiba ang boses ni Rico J. at habambuhay na kikilalanin ang naiambag nito sa musikang Pilipino.

Naalala naman ni Senador Kiko Pangilinan ang kanyang kabataan dahil aniya noon ay talagang sikat na sikat si Rico J.

Sinabi nito na lumaki siya sa musika ng tinaguriang Total Performer.

Ibinahagi pa nito na ang unang concert na kanyang napanood ay ang kay Rico J. sa Tropical Palace sa Paranaque City.

Todo papuri din si Senador JV Ejercito kay Rico J. at aniya alamat na sa industriya ng musika ang mang-aawit dahil sa kakaibang istilo nito sa pag-awit.

Gusto naman ni dating Senador Jinggoy Estrada na patugtugin sa lahat ng mga istasyon ng radyo ang mga kanta ni Rico J. bilang pag-alala sa mang-aawit.

Read more...