WATCH: 2 opisyal ng BOC nagpatutsadahan sa Senado

Kuha ni Jan Escosio

Hayagan inamin ni Customs Intelligence officer Jimmy Guban na wala siyang tiwala sa kanyang opisyal na si Jeffrey Tacio, ang hepe ng Customs Investigation and Intelligence Service (CIIS).

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna ni Senador Dick Gordon, sinabi ni Guban na hindi niya pinagkakatiwalaan si Tacio dahil kasama ito sa mga nakikinabang sa ‘tara system’ sa Bureau of Customs (BOC).

Galit na buwelta naman ni Tacio sinisiraan lang siya ni Guban dahil ito ay miyembro ng sindikato sa kanilang opisina at iniimbestigahan niya ang tauhan base sa mga impormasyon na sangkot ito sa mga iligal na aktibidad.

Sa nasabi din pagdinig, itinuro naman ni Guban si Police Senior Inspector Lito Pirote na siyang nagbigay sa kanya ng P300,000 sa parking lot sa Greenhills, San Juan City.

Ang pera ay galing kay dating Police Senior Superintendent Jojo Acierto at panggastos para sa isasagawang surveillance operations hinggil sa pagpuslit ng P11 bilyong halaga ng shabu.

Paliwanag ni Pirote hindi niya alam na pera ang ibibigay niya kay Guban sa katuwiran na hindi naman niya sinilip ang laman ng bag na iniabot sa kanya ni Acierto.

Binalaan naman ni Gordon si Pirote sa pagsisinungaling o pagtatago ng detalye dahil ayon sa senador marami na siyang nalalaman ukol sa kapitan ng pambansang pulisya.

Read more...