Manghihimasok na rin ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kotrobersiyang kinasasangkutan ng tinaguriang “pambansang photobomber” na Torre de Manila.
Ayon kay House Committee on Metro Manila Development at Quezon City Rep. Winston Castelo, kabilang sa mga iimbitahan ay si dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada at si dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Sinabi ni Castelo na tututukan nila ang isyu ng umanoy suhulan kaya napahintulutan ang developer ng gusali na D.M. Consunji Incorporated o DMCI na labagin ang zoning rules at sirain ang Rizal Shrine Vista para maitayo ang Torre de Manila.
Bagaman main concern aniya ang pag-demolish sa Torre de Manila, sinabi ni Castelo na nais din nilang maprotektahan ang libo-libong bumili na ng units sa nasabing Condominium Building.
Nauna nang nag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema laban sa construction ng Torre De Manila na nauwi pa nga sa “word war” sa pagitan nina Estrada at Lim.
Libo-libong trabahador din ng nasabing gusali ang manrublema matapos na mawalan sila ng hanap-buhay dahil sa ipinatigil na proyekto. / Isa Avendaño-Umali