Pansamantalang isasara sa daloy ng trapiko bukas, araw ng Linggo ganun din sa November 15 at 22 ang ilang mga kalsada sa paligid ng University of Sto. Tomas kaugnay sa gaganaping bar examinations.
Kaugnay nito nagpalabas ng traffic advisory ang Manila Traffic Bureau para sa mga apektadong mga motorista.
Para sa mga sasakyang galing sa Nagtahan na dumadaan sa A.H Lacson st. papuntang Dapitan st., kailangang kumaliwa sa Aragon st hanggang sa A. Mendoza st. diretso papunta sa Dapitan st.
Ang mga sasakyang galing sa southbound ng A.H Lacson papunta sa Nagtahan ay kinakailangang mag-U-turn sa Aragon street at dumiretso hanggang umabot sa Nagtahan.
Mahigpit din na ipatutupad ang paghuli sa mga sasakyang paparada sa kahabaan ng Espana boulevard sa mga panahon ng pagsusulit.
Ipinapaalala naman ng Manila Police District na hindi rin papayagan ang pagparada ng mga sasakyan sa kahabaan ng Dapitan St, A.H Lacson, Laon-Laan, A.Mendoza at P. Noval St.
Isasara ang mga nabanggit na daan mula alas-sais ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.
Ang bar exams ay limang taon nang ginaganap sa University of Sto. Tomas.