Taiwanese na nahulihan ng mga baril sa Cebu airport, miyembro ng isang gun running syndicate

Taiwanese
Inquirer file photo

Miyembro ng isang gun running syndicate ang Taiwanese na nahulihan ng dalawang baril at sangkatutak na mga bala sa Cebu International Airport kahapon.

Sinabi ni PNP Region 7 Aviation Security Group Director SSupt. Joselito Salido Jr. na umamin na sa kanyang gawain ang suspect na si Chao Ching Hungs.

Ang 35-anyos na si Chao ay dumating sa bansa noong November 1 at makalipas ang tatlong araw ay nagpunta siya sa Cebu City.

Kahapon ay nasabat ang suspek ng mga otoridad makaraang makita sa pamamagitan ng screening machine ng paliparan ang mga baril at bala.

Nang buksan ang kanyang bagahe ay nakita doon ang isang KG9 submachine pistol na may silencer, isang Berreta .9mm pistol at maraming bala para sa nasabing uri ng baril.

Noong nakalipas na buwan ng Mayo ay isang Taiwanese din ang naaresto ng mga otoridad sa Cebu International Airport na nagtangka ring maglusot ng mga baril.

Sa ngayon ay inaalam na ng mga tauhan ng pulisya sa Region 7 kung anong saang grupo kabilang ang mga suspects at kung sino ang kani-kanilang mga kasabwat dito sa bansa.

 

Read more...