Premature campaigning nais gawing krimen ng mga senador

Mayorya ng mga senador ang sang-ayon na gawing krimen ang premature campaigning o maagang pangangampaniya ng mga kakandidato sa isang halalan.

Sa report ng Committee on Electoral Reforms, inirekomenda na maibalik ang probisyon sa Omnibus Election Code na nagbabawal sa premature campaigning.

Nakasaad din sa panukala, na iniakda nina Senador Koko Pimentel, Dick Gordon, at Leila de Lima na ikukunsidera nang kandidato ang isang indibiduwal kapag naghain na siya ng certificate of candidacy (COC).

Dito ikukunsidera nang premature campaigning ang lahat ng partisan political activity na lalahukan ng kandidato bago pa man magsimula ang official campaign period.

Sa umiiral na batas, ikinukunsiderang kandidato ang isang indibiduwal kapag nagsimula na ang panahon ng pangangampaniya na itinakda ng Commission on Elections (COMELEC).

Sa panukala, ang mga magsasagawa ng premature campaigning ay maaaring makulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi maaaring humigit sa anim na taon. Bukod pa ito sa pagiging diskuwalipikadong humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at hindi na rin makakaboto.

Read more...