Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison na magbigay ng isang magandang rason para bumalik ang gobyerno sa bargaining table at talakayin ang usapang pangkapayapaan.
Sa talumpati ng pangulo sa Davao City, sinabi nito na kapag walang naibigay na rason si Sison ay wala nang dahilan para kausapin pa ng gobyerno ang komunistang grupo.
“Communist, give me — give me a good — Jose Maria Sison give me a good reason to go back to the bargaining table. If there is none or if it’s just a repeat of what we have discussed earlier then that will not suffice,” ayon kay Duterte.
Kasabay nito, sinabi ng pangulo na wala siyang balak na magdeklara ng martial law sa buong bansa.
Gayunman, bagaman hindi paiiralin ang batas militar, sinabi ng pangulo na gagamit siya ng pinakamalakas na pamamaraan gaya ng political tools para siguruhin na maibabalik ang kaayusan sa bansa.
Partikular na tinutukoy ng pangulo ang problema sa iligal na droga, terorismo, at iba pang uri ng kriminalidad.