Nasugatan ang isang fire volunteer habang tumutulong sa pag-apula ng sunog na sumiklab sa GSIS Village sa Barangay Bahay Toro, Quezon City.
Batay sa impormasyon mula sa QC Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-9:55 ng gabi ng Lunes mula sa kusina ng bahay na pag-aari ng mag-asawang Roberto at Aurora Corpus.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog, kung saan anim na mga bahay ang nadamay.
Kwento ng mga kapitbahay ng mag-asawang Corpus, maraming nakatagong kahoy na panggatong sa bahay dahil ito umano ang gamit nila sa pagluluto.
Ngunit depensa ng mag-asawa, sinisigurado nilang patay na ang apoy at wala nang baga ang kanilang panggatong matapos magluto.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa tunay na pinagsimulan ng sunog, maging ang kabuuang danyos na idinulot nito.