Tiniyak ng Palasyo ng Malacañan na kasado na ang lahat para sa paggunita sa Undas ngayong taon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na naihanda na ng pamahalaan ang security measures para sa pagdagsa ng mga bibisita sa iba’t ibang sementeryo.
Ani Panelo, nagpakalat na ng 3,000 personnel ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at na-clear na rin ang mga kalsada papunta sa mga sementeryo.
30,000 pulis naman ang ipakakalat ng Philippine National Police (PNP) upang magbantay sa kaayusan at seguridad sa darating na long weekend.
Maging ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) ay nagsimula na ring mag-ikot sa mga terminal ng bus upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Bagaman nagawa na ng gobyerno ang lahat ng paghahanda para sa Undas, hinimok ni Panelo ang publiko na makipagtulungan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ngayong Undas.