Posibleng magbayad ng mas mahal na pamasahe ang mga pasahero na pabalik sa Metro Manila na umuwi sa mga lalawigan para sa Undas.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kung walang pagbabawal mula sa korte ay matutuloy ang dagdag na P0.15 per kilometer sa lahat ng provincial buses.
Inaprubahan ng LTFRB ang dagdag pamasahe sa provincial buses at magiging epektibo ito sa November 3, isang araw makalipas ang All Souls’ Day.
Ibig sabihin, ang pasahero na nag-book ng trip at umuwi sa probinsya bago ang November 2 ay mas mataas na pamasahe na ang babayaran pagbalik sa Metro Manila.
Inutusan naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra ang bus companies na maglagay ng kopya ng bagong fare matrix sa loob ng mga bus bago pa ang implementasyon nito.
Bukod sa provincial buses ay nakaamba rin ang dagdag pamasahe na P1 sa mga city buses kaya mula P10 ay magiging P11 na ang bayad sa ordinary bus at mula sa P12 ay magiging P13 na ang bayad sa air-conditioned bus.