Sa bahay lamang sa Davao City gugunitain ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Undas.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, base sa pag-uusap nila kagabi ng pangulo sa Davao City ay sinabi ng chief executive na wala naman siyang balak na aktibidad sa November 1 at 2.
Karaniwan na aniyang sa bahay lamang naglalagi ang pangulo tuwing Undas.
Ayon kay Panelo, “But ordinarily he stays at home (In Davao) Yeah, unless he has plans to go somewhere else, but he didn’t mention it. No mention at all last night”.
Kasabay nito, sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialogo na activated na ang kanilang command center para tugunan ang pangangailangan ng mga motorista na bibiyahe sa araw ng mga patay.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Pialago, na mahigit sa tatlong libong personnel ang kanilang ipakakalat sa Metro Manila.
Partikular na tututukan ng kanilang hanay ang mga malalaking sementeryo gaya ng North Cemetery, South Cemetery, La Loma Cemetery, Libingan ng mga Bayani at Manila Memorial Park.
May nakaantabay na rin na quadrant area na maaring gamiting evacuation center kung kinakailangan.
Ito ay ang Philippine Sports Arena, Intramuros golf course sa Maynila, Villamor Airbase sa Pasay City at at Veterans golf course sa Quezon City.