Walang nakikitang rason ang Palasyo ng Malacañan para I-prosecute o usigin si dating Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Ito ay matapos malusutan ang Bureau of Customs (BOC) ng P6.8 bilyong halaga ng shabu shipment.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi maaaring usigin si Lapeña dahil wala namang ebidensya na magtuturo sa kanya na siya ang responsable sa smuggled shabu shipment.
Katunayan, si Lapeña pa aniya ang nagpatupad ng reporma para at naghanap ng paraan para mahinto ang korupsyon sa loob ng BOC.
Ito rin aniya ang dahilan kung kaya prinomote at binigyan ng cabinet rank ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lapeña matapos italaga bilang director general ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sinabi pa ni Panelo na sa ngayon, wala pang rason para ituring na may liability o pananagutan si Lapeña dahil hindi pa tapos ang ginagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa shabu shipment.
Utos ng pangulo sa DOJ at NBI, ano man ang maging resulta ng imbestigasyon at kapag may nakitang ebidensya na may pananagutan si Lapeña ay dapat na magsampa ng kaukulang kaso sa korte.