Sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 980 kilometro Silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 200 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 245 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Mamayang gabi ay inaasahang magtataas na ng storm warning signals sa ilang mga lugar sa bansa.
Posibleng maramdaman na ang ulang dala ng bagyo hapon ng Lunes.
Araw ng Martes ito inaasahang tatama sa Cagayan-Isabela area at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) araw ng Huwebes, November 1.
Ngayong araw, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mahinang pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region dahil sa hanging Amihan.
Sa nalalabing bahagi naman ng bansa ay maalinsangan ang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms.