Pangulong Duterte, ipinagtanggol sina Faeldon at Lapeña sa multi-bilyong pisong drug smuggling controversy

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang integridad nina dating Customs Commissioners Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña na kapwa nakaladkad sa isyu ng multi-bilyong drug smuggling sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa Masskara Festival sa Bacolod City, sinabi ng pangulo na nalusutan lamang ang dalawa at hindi kurakot ang mga ito.

Ayon kay Duterte, hindi niya papayagan ang korapsyon sa kanyang administrasyon.

Iginiit ng presidente na si Faeldon mismo ang nagbigay sa kanya ng tip tungkol sa isang manufacturer ng sigarilyo na gumamit ng pekeng tax stamps.

“Galing ‘yun kay Faeldon. Kaya ‘yung maniwala na si Faeldon ay corrupt eh, bakit pa niya sinumbong? Sinolo nalang sana niya,” ayon sa pangulo.

Anya, kung kurakot si Faeldon ay hindi na sana ito nagsumbong sa kanya.

Ipinagtanggol din ni Duterte ang pagkatao ni Lapeña na kanyang police chief sa mahabang panahon.

Si Lapeña ay hepe ng Davao Police noong alkalde pa ang pangulo.

“(The same) with Lapeña because he was my police chief for the longest time. Nalusutan lang talaga…” dagdag ng presidente.

Sina Faeldon at Lapeña ay kapwa itinalaga ni Duterte bilang mga pinuno ng Bureau of Corrections at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Read more...