Bagyong Rosita, napanatili ang lakas; storm warning signals, posibleng itaas na bukas

Patuloy na tinutumbok ng Bagyong Rosita ang Northern Luzon.

Sa 11pm weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,065 kilometers Silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 200 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 245 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Sa ngayon ay wala pang mga lugar na isinailalim sa storm warning signals ngunit nakataas na ang gale warning sa halos kabuuan ng seaboards ng Northern at Central Luzon, eastern seaboard ng Southern Luzon at eastern seaboard ng Visayas.

Mapanganib na ang paglalayag sa mga naturang lugar.

Mula Lunes ng gabi ay posibleng maranasan na ang katamtaman hanggang malalakas na ulan sa Northern at Central Luzon kung saan posible na ang mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Posibleng magtaas na rin ng signal no. 1 sa Metro Manila gabi rin ng Lunes dahil sa lawak ng bagyo.

Inaasahang tatama ang Bagyong Rosita sa Cagayan – Isabela area Martes ng hapon.

Pinapayuhan ang publiko na patuloy na magmonitor sa updates ng PAGASA tungkol sa bagyo.

Read more...