Humihingi ng hustisya ang pamilya ng dalawang lalaki na natagpuan ang bangkay sa gilid ng kalsada sa Toledo City.
Katwiran ng mga kaanak ng nasawi, biktima ng summary execution o salvage sina Juniel Abatayo, 29-anyos at ang kasama nitong si Abelardo Salomag, 44 anyos.
Kwento ni Junie Abatayo, nakababatang kapatid ni Juniel, pulis ang nasa likod ng pamamaslang sa kanyang kapatid makaraang arestuhin dahil sa paratang na sila ang nasa likod ng pagnanakaw ng motorsiklo.
Ayon pa kay Junie, isang araw matapos palayain ang kanyang kapatid ay natagpuan ang bangkay nito sa Sitio Cambaye, Barangay Campo 8 sa Toledo City madaling araw ng Huwebes, October 25.
Kapwa may tama ng bala sa ulo ang dalawang biktima at nakabalot ng kumot ang katawan.
May nakita umanong kulay gray na kotse na nakaparada sa lugar bandang alas-2:00 ng madaling araw bago umalingawngaw ang putok.
Makaraan ang ilang oras ay natagpuan ang bangkay ng dalawang lalaki.
Nangako naman si Chief Supt. Debold Sinas, director ng Police Regional Office sa Central Visayas (PRO-7) na kanilang paiimbestigahan ang alegasyon ng pamilya Abatayo.
Maging ang Commission on Human Rights sa Central Visayas (CHR-7) ay nagsabi na iimbestigahan nila ang pangyayari.