Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang paglalabas ng Executive Order para sa pagpapatupad ng “no casino” policy sa Boracay Island.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ang ilalabas na EO ay magsisilbing gabay hindi lang ng kasalukuyang administrasyon kundi maging ng susunod na pamahalaan para mapanatili ang no casino policy sa isla.
Ani Guevarra, family-oriented ang konsepto ng Boracay at hindi para sa mga turista na nais magsugal.
Sa mga casino naman na nag-ooperate na sa isla, sinabi ni Guevarra na ang prangkisa ng mga ito ay maaring bawiin ng gobyerno anumang oras.
Ayon kay Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, istrikto ang utos ni Pangulong Duterte na hindi dapat payagan ang pagsusugal sa Boracay.
Malinaw aniya ang atas ng pangulo na maging ang mga dati nang casino sa isla ay hindi pwedeng mag-operate.
Kasabay nito, sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año na ipinag-utos na ng PAGCOR ang kanselasyon ng permit ng mga existing casinos sa Boracay.