Typhoon Yutu humina habang papalapit sa PAR

Taliwas sa inaasahang pagiging supertyphoon araw ng Huwebes, humina ang Typhoon Yutu habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo bandang alas-8:00 ng gabi sa layong 2,230 kilometro Silangan ng Central Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 225 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Inaasahang papasok ng PAR ang Typhoon Yutu bukas, araw ng Sabado, saka papangalanang ‘Rosita’.

Batay sa klasipikasyon ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) ng Estados Unidos, isa nang Super Typhoon ang bagyo.

Ayon sa ahensya, ito na ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan na tumama sa isang US territory.

Dumaan ang mata ng Typhoon Yutu sa Tinian island kung saan isa ang naitalang nasawi.

Ayon kay Tinian Mayor Joey P. San Nicolas, winasak ng bagyo ang mga bahay, kalsada, imprastraktura at maging mga linya ng kuryente at tubig.

Nauna nang naglabas si President Donald Tump ng emergency disaster declaration para sa Saipan at Tinian kabilang na rin ang ilang bahagi ng Northern Marianas dahil sa hagupit ng bagyo.

Read more...