Iginiit ni Senator Dick Gordon ang pagiging co-equal branches sa gobyerno ng executive at legislative branch kaya’t hindi mangyayari ang gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ng Philippine National Police si Customs intelligence officer Jimmy Guban at mailagay siya sa kustodiya ng National Bureau of Investigation.
Sinabi ni Gordon na nagka-usap at nagkasundo na sila ni Justice Sec. Menardo Guevarra na mananatili pa rin sa kustodiya ng senado, partikular na ng Blue Ribbon Committee si Guban.
Katuwiran ni Gordon kailangan munang kilalanin ni Guban ang lahat ng mga taga-gobyerno na sangkot sa drug smuggling bago ang turn-over sa PNP.
Bukod pa dito may mga detalye pa ukol sa P6.8 Billion shabu smuggling na kailangan linawin ni Guban sa komite.
Dagdag pa ni Gordon, kailangan din matiyak muna na makakapasok sa witness protection program ng gobyerno si Guban.
Magugunitang si Guban ay pinatawan ng contempt ng Senado dahil sa umano’y pagsisinungaling nito sa mga ibinibigay na impormasyon sa komite na pinamumunuan ni Gordon.