Atty. Mangaoang itinanggi na kabilang sa demolition job laban kay BOC Chief Lapeña

Inquirer Photo

Nilinaw ni NAIA Customs Deputy Collector Ma. Lourdes Mangaoang na hindi totoong kasama siya sa demolition job para sirain ang pangalan ni Customs Commissioner Isidro Lapeña.

Sa imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs At Good Government and Public Accountability, sinabi ni Mangaoang na hindi niya alam kung mayroon mang grupong nasa likod ng mga paninira sa BOC official.

Nilinaw pa ng nasabing whistleblower na siya ang biktima ng maling mga paratang at paninira ng mismong kampo ni Lapeña.

Nauna nang sinabi ni Mangaoang na may nakitang shabu sa pagsalang ng ilang magnetic lifters na napunta sa lalawigan ng Cavite.

Bilang mahusay na customs investigator ay nanindigan si Mangaoang na hindi siya pwedeng magkamali sa kanyang findings base sa mga impormasyon na kanyang hawak sa kasalukuyan.

Sa pagdinig ng Kamara ay muntik pang mag-walk out si Mangaoang dahil siya daw ang nadidiin sa kontrobersiya samantalang siya ay inimbitahan sa pagdinig bilang isang resource person.

Nauna nang sinabi ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop na kwestiyunable ang pagkatao ni Mangaoang.

Sa panayam naman ng Radyo Inquirer, tahasang inakusahan ni Mangaoang si Lapeña nang pagsisinungaling.

WATCH:

Read more...