Nagsagawa ng kilos protesta sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kaanak ng mga naging biktima ng bagyong Yolanda.
Panawagan ng grupo, kasama ang grupong Gabriela, dapat ibigay na sa mga biktima ang Emergency Shelter Assistance (ESA) na noon pang taong 2014 dapat naipamahagi.
Isinagawa ang kilos protesta kasabay ng paggunita ng anibersaryo ng pagtama ng bagyong Yolanda sa bansa na marami ang nasawi.
Ayon kay Nere Guerrero, pangulo ng Samahan ng mga Maralitang Kababaihang nagkakaisa (SAMAKANA) at kasapi ng Pambansang Konseho ng Gabriela, tuloy-tuloy ang kapabayaan ng Aquino administration sa mga naging biktima ng bagyo.
Naglabas aniya ang DSWD ng Memo Circular na mistulang naglalagay ng mga hindi makatarungang kondisyon gaya ng paglimita sa mga biktimang makakatanggap ng mga tulong mula sa gobyerno at nai-itsapuwera ang marami pang mga biktima.
Kabilang sa mga biktimang hindi napasama sa benepisyo ay ang mga piniling bumalik sa dati nilang komunidad sa tabing dagat na idineklarang “No Buid Zone/No Dwell Zone”.
Wala naman aniyang ibang mapupuntahan ang mga biktima kundi ang kanilang mga dating komunidad dahil dito nakatali ang kanilang kabuhayan.
Nakakagalit din, ayon kay Guerrero na ang mga naturang “No Dwell Zone” ay pinagbebenta sa mga malalaking negosyo para tayuan ng mga mall, resort at iba pang establisimyento na pagkakakitaan ng mga malalaking negosyante.