‘Ipako nyo ako sa krus o pugutan ng ulo.’
Ito ang naging hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kritiko kaugnay sa kawalan niya umano ng aksyon para tugunan ang lumalalang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Sa talumpati ng pangulo sa Conferment Ceremony of the Gawad sa Manlilikha ng Bayan, Philippine Heritage Award at National Artist Award sa malakanyang, sinabi nito na wala talaga siyang magagawa dahil lumalala ang problema sa presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Katunayan, sinabi ng pangulo na lalo pang lalala ang problema sa produktong petrolyo dahil may gagawing sorpresang hakbang ang Iran na isa sa mga nagsusuplay ng produktong petrolyo.
Hindi kasi aniya nagustuhan ni US President Donald Trump at nais tanggalin sa mapa ang Iran kung kaya bilang ganti ay may gagawin itong surprise move.
Kasabay nito, umaasa ang pangulo na may makukuhang langis ang Pilipinas sa gagawing joint oil exploration ng bansa at Israel sa Palawan.