Naharang ng mga otoridad ang dalawang pipe bombs na sinubukang ipadala sa tahanan nina dating United States President Barack Obama at dating kandidato sa pagkapangulo na si Hillary Clinton.
Naganap ang dalawang insidente dalawang linggo bago maganap ang nationwide midterm elections sa Estados Unidos.
Ayon sa mga otoridad, ang narekober na mga pipe bombs ay magkapareho sa disenyo at kagaya rin ng nakuha nilang bomba na ipinadala kay George Soros na isang bilyonaryo at kilalang contributor ng Democrat party.
Sina Obama at Clinton ay kilalang Democrats.
Ayon kay New York Police Department (NYPD) head of intelligence and counterterrorism John Miller, kumpirmadong mula sa isang tao o grupo ng mga tao ang nakuhang pipe bombs malapit sa bahay nina Hillary at Bill Clinton sa New York at sa bahay naman nina Barack at Michelle Obama sa Washinton.
Ayon naman kay Federal Bureau of Investigation (FBI) Bryan Paarmann, hindi sila titigil hanggang sa mawakasan nila ang pagpapadala ng mga bomba sa mga personalidad.
Mayroon na rin aniya silang natanggap na ulat na mayroon ding kahina-hinalang package na ipinadala sa opisina ni Florida Representative Deborah Wasserman Schultz.
Nauna dito ay nagpadala din ng kaparehong pipe bomb sa CNN na naka-address kay dating Central Intelligence Agency (CIA) Director John Brennan na isang contributor sa naturang news agency. Kilala si Brennan na kritiko ni Republican US President Donald Trump.
Samantala, mariing kinundena ni US Vice President Mike Pence ang naturang mga tangkang pag-atake kina Obama, Clinton, CNN, at iba pang pinadalhan ng bomba.
Sa kanyang Twitter post ay sinabi nito na walang lugar sa Amerika ang katulad na ‘cowardly action.’
Ni-retweet naman ni Trump ang pahayag ni Pence at sinabing buong-puso siyang sang-ayon sa sinabi ng kanyang VP.