Hindi natuloy ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ng siyam na magsasakang minasaker sa Sagay City, Negros Occidental.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office Undersecretary Mia Reyes, ito ay dahil sa masama ang lagay ng panahon sa lugar.
Base sa advisory ng Malakanyang nakatakdang magtungo ang pangulo sa Sagay City kahapon ng 12:30 ng tanghali subalit naurong ito at inuna ang pagbisita sa nasawing pulis sa Naga City, Camarines Sur.
Natuloy ang pangulo sa pagbisita sa burol ni Police Officer 1 Ralph Jayson Vida sa Naga City.
Ginawaran ng pangulo si Vida ng Order of Lapu-Lapu Rank of Kalasag.
Natuloy din ang pagbisita ng pangulo sa tatlong sugatang PNP Personnel sa Naga at ginawaran ng Order of Lapu-Lapu Kampilan medal.
Matatandaang tatlong pulis kasama na si Vida ang nasawi sa pananambang sa convoy ni Food and Drug Director General Nela Charade Puno habang tatlong iba pa ang nasugatan.